Tagalog Bibles (BIBINT)
タガログ語新約聖書
2 Kay Timoteo 1
1Akong si Pablo ay isang apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos ayon sa pangako ng buhay na na kay Cristo Jesus. 2Ako ay sumusulat sa iyo, O Timoteo, ang minamahal kong anak.
Ang Diyos Ama at si Cristo Jesus na ating Panginoon ang magkakaloob sa iyo ng biyaya, kahabagan at kapayapaan.
Pinapayuhan ni Pablo si Timoteo na Maging Matapat
3Nagpapasalamat ako sa Diyos na aking pinaglilingkuran nang may malinis na budhi, tulad ng paglilingkod ng aking mga ninuno. Kapag ako ay nananalanging may paghiling gabi at araw, lagi kitang naaala-ala. 4Kapag naaala-ala ko ang iyong mga luha, labis akong nananabik na makita ka upang mapuspos ako ng kagalakan. 5Naaala-ala ko ang pananampalataya mong walang pagkukunwari na unang nanahan sa iyong lola Loida at sa iyong inang si Eunice. Natitiyak kong nananahan din ito sa iyo. 6Dahil dito, pinaaalalahanan kita na pagningasin mong muli ang kaloob ng Diyos na nasa iyo sa pamamagitan ng pagpatong ko ng aking mga kamay sa iyo. 7Ito ay sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng pagkatakot, sa halip, binigyan niya tayo ng espiritu ng kapangyarihan at ng pag-ibig at ng maayos na pag-iisip.
8Kaya nga, huwag kang mahiya sa patotoo patungkol sa ating Panginoon, ni sa akin na isang bilanggo. Subalit dahil sa ebanghelyo, makibahagi kang kasama ko sa kahirapan ayon sa kapangyarihan ng Diyos. 9Siya ang nagligtas at tumawag sa atin sa pamamagitan ng isang banal na pagtawag, hindi dahil sa ating mga gawa ngunit ayon sa kaniyang sariling layunin at biyaya. Ito ay ibinigay sa atin kay Cristo Jesus bago pa man nagsimula ang panahon. 10Ngunit ngayon, ito ay nahayag sa pamamagitan ng pagdating ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Pinawalang-bisa niya ang kapangyarihan ng kamatayan at dinala niya ang buhay at ang kawalan ng kamatayan sa liwanag ng ebanghelyo. 11Dito ay itinalaga ako na maging isang tagapangaral, isang apostol at isang guro para sa mga Gentil. 12Dahil dito, nagtitiis ako sa mga bagay na ito. Ngunit hindi ako nahihiya. Ang dahilan nito ay kilala ko ang aking sinasampalatayanan at natitiyak kong kaya niyang ingatan ang inilagak ko sa kaniya hanggang sa araw na iyon.
13Panatilihin mong maging huwaran ng mapagkakatiwalaang salita na iyong narinig mula sa akin. Panatilihin mo ito sa pananampalataya at sa pag-ibig na na kay Cristo Jesus. 14Ingatan mo ang mabuting bagay na inilagak ko sa iyo. Bantayan mo ito sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na nananahan sa atin.
15Alam mo na iniwan ako ng lahat ng taga-Asya, kabilang sina Figelo at Hermogenes.
16Kahabagan nawa ng Panginoon ang sambahayan ni Onesiforo. Ang dahilan nito ay maraming ulit niya akong pinasiglang muli at hindi niya ikinahiya ang aking pagiging bilanggo. 17Noong siya ay nasa Roma, pinagsikapan niya akong hanapin at natagpuan niya ako. 18Maging kalooban nawa ng Panginoon na makatagpo siya ng habag mula sa Panginoon sa araw na iyon. Higit mong nalalaman kung gaano siya naglingkod ng lubos sa Efeso.
Tagalog Bible Menu